Ein Kellner steht an der Bar in einem Restaurant und trocknet Gläser ab. © Goethe-Institut

Mga Importanteng Dokumento sa Pagsisimula sa Trabaho

Nakahanap ka na ba ng permanenteng trabaho sa Germany? Kung oo, ikaw ay isa nang Arbeitnehmer o empleyado . Kakailanganin mo ang ilang mga dokumento para sa iyong employer (Arbeitgeber). Unang kakailanganin mo ay ang pagpapatunay na ikaw ay may health insurance (Krankenversicherung). Ang pagpapatunay na ito ay makukuha mo sa kumpanya ng iyong insurance/ health insurance (Krankenkasse/Krankenversicherung). Sa Germany, ang lahat ay kailangang may health insurace (Krankenversicherung). Kadalasan ay kailangan mo din ng police clearance (polizeiliches Führungszeugnis). Ito ay makukuha mo sa registration office (Einwohnermeldeamt). 

Mga Insurance at mga Buwis

Bilang empleyado (Arbeitnehmer), mayroon kang pension insurance (Rentenversicherung) at insurance sa kawalan ng trabaho (Arbeitslosenversicherung). Wala kang kinakailangang gawin para dito, ang mga insurance (Versicherungen) na ito ay awtomatik mong matatanggap. Ang iyong employer (Arbeitgeber) ay magbabayad ng isang bahagi para sa iyong health insurance (Krankenversicherung), pension insurance, (Rentenversicherung) at insurance sa kawalan ng trabaho (Arbeitslosenversicherung). Babayaran mo naman ang isa pang bahagi nito. Ito ay awtomatik na kakaltasin sa iyong suweldo o sahod (Gehalt/Lohn). Kailangan mo rin ng isang tax number (Steuernummer) at ng electronic income tax card (Lohnsteuerkarte). Ang dalawang ito ay makukuha mo sa tax office. Ang tax ay hindi mo kailangang bayaran sa pamamagitan ng money transfer. Ito ay kukunin o kakaltasain ng tax office direkta mula sa iyong suweldo o sahod (Gehalt/Lohn).

Kontrata sa Trabaho

Ang bawat empleyado ay makatatanggap ng kontrata sa trabaho (Arbeitsvertrag). Ikaw at ang employer (Arbeitgeber) ang pipirma dito. Basahin mo nang mabuti ang kontrata sa trabaho (Arbeitsvertrag) bago mo ito pirmahan. Kung ikaw ay hindi sigurado, maaari kang magtanong sa Migrationsberatung für erwachsenen Zuwanderer (MBE) o ang tanggapan na nagbibigay ng payo sa mga nakatatandang imigrante tungkol sa migrasyon. Ang mga kabataan hanggang 27-taong gulang ay makakakuha naman ng impormasyon mula sa Jugendmigrationsdiensten o migration services para sa mga kabataan. Sa kontrata ng trabaho (Arbeitsvertrag) ay nakasulat ang lahat ng patakaran. Ikaw at ang employer (Arbeitgeber) ay kailangang sumunod sa mga patakarang ito. Nakasulat dito halimbawa ang mga sumusunod: Magkano ang sweldo mo kada buwan? Ilang araw ang iyong bakasyon? Ano ang dapat mong gawin kung ikaw ay may sakit? 

Sa isang bagong posisyon ay kalimitang may panahon ng probasyon (Probezeit). Ang panahon ng probasyon (Probezeit) ay may iba’t ibang haba o tagal. Minsan ito ay ilang linggo lang, minsan naman ay kalahating taon. Sa panahong ito, inoobserbahan ka nang mabuti ng iyong employer (Arbeitgeber). Siya ay magdedesisyon, kung ikaw ay patuloy na magtatrabaho sa kumpanya pagkatapos ng probasyon (Probezeit). Ikaw naman ay magdedesisyon din, kung ang trabahong ito ay nais mong ipagpatuloy pagkatapos ng iyong probasyon (Probezeit). Sa panahon ng probasyon (Probezeit), mas maikli ang termination period (Kündigungsfrist) (kadalasang 2 hanggang 3 linggo lamang). Kadalasang 3 buwan naman ang termination period pagkatapos ng probasyon.

Mini-jobs

Mayroon din mga mini-jobs (Minijobs/520-Euro-Jobs) sa Germany. Ang mini-job ay isang trabaho kung saan susuweldo lamang ng hanggang 520 € kada buwan ang isang tao. Ikaw ay awtomatik na makakatanggap dito ng health insurance (Krankenversicherung) at ng pension insurance (Rentenversicherung). Ito ay babayaran lamang ng employer (Arbeitgeber), wala kang dapat bayaran dito. Ngunit wala kang matatanggap na insurance sa kawalan ng trabaho (Arbeitslosenversicherung).

Eine Kellnerin in einem Restaurant stellt Stühle auf die Tische. © Goethe-Institut

Pansariling Kalakal o Self-employment

Ikaw ba ay self-employed at hindi empleyado (Arbeitnehmer)? Kung oo, kailangan mo rin ng health insurance (Krankenversicherung). Ikaw ang magbabayad para sa iyong health insurance. Makabubuti rin kung ikaw ay mayroong pension insurance (Rentenversicherung). Sa ibang propesyon, gaya halimbawa ng kraftsman o midwife, kailangan mayroong pension insurance (Rentenversicherung). Kailangang kumuha ka ng tax number mula sa tax office. Aalamin ng tax office kung magkano ang tubo o kita mo kada taon. Pagkatapos ay magdedesisyon sila kung magkano ang kailangan mong bayarang buwis. Ang bayad sa tax ay dapat mong i-remit. Kung nais mong magtayo ng sariling kumpanya, kailangan mo ng lisensya para sa pagnenegosyo (Gewerbeschein). Ito ay makukuha mo sa opisina na nag-iisyu ng business permit (Gewerbeamt). Maaari mong itanong sa bulwagan ng bayan kung nasaan ang opisina nito sa iyong lungsod o sa iyong lugar. Kung ikaw ay halimbawang magbubukas ng tindahan o ng restaurant, kailangan mo din ang lisensyang ito (Gewerbeschein).

Eine Frau sitzt an einem Tisch in ihrer Wohnung und arbeitet am Laptop. © Goethe-Institut

Video International Sign

Mga Kadalasang Katanungan

Mga karagdagang katanungan? Sumulat sa amin sa pamamagitan ng contact form. Ipapasa namin ang iyong mga katanungan nang hindi nagpapakilala sa mga tagapayo ng youth migration services.

Contact form