Pasaporte at Visa
Sa pagpasok sa Germany ay kailangan mo ng isang balidong pasaporte (Pass) o isang dokumento na nagpapatunay ng iyong pagkakakilanlan. Ang pasaporte (Pass) ay kakailanganin mo rin kung ikaw ay magpupunta sa mga ahensiya ng gobyerno. Ang mga mamamayan na hindi mula sa European Union (Europäischen Union (EU) ay mangangailangan ng visa (Visum).
Maaari kang mag-apply ng visa sa nakatalagang embahada ng Germany sa iyong bansa. Mayroon ka na bang kontrata sa trabaho (Arbeitsvertrag) o mga kamag-anak na dito na naninirahan? Kung gayon ay mas madali ka nang makakakuha ng visa (Visum). Ang mga karagdagang impormasyon tungkol dito ay makikita mo sa link na ito: Federal Foreign Office.
Ang mga mamamayan na mula sa EU o sa isang bansa na kasama sa European Economic Area ay hindi na nangangailangan ng visa.
Registration Office para sa Pagpapatala ng mga Residente at Ang Residence Permit
Sa Germany, kinakailangan mo munang pumunta sa Einwohnermeldeamt o registration office ng iyong lungsod upang magpa-rehistro. Pagkatapos ay kailangan mong pumunta sa Ausländeramt o immigration office upang makuha ang iyong residence permit o Aufenthaltstitel. Ito ay isang card na naglalaman ng iyong residence status o Aufenthaltsstatus, kung saan nakasaad kung gaano katagal ka maaaring manatili o makapagtrabaho sa Germany.
Kailangan mo bang pumunta sa isang ahensya ng gobyerno ngunit hindi ka pa gaanong marunong magsalita ng German? Maaari kang humingi ng isang tagapagsalin ng wika o translator upang matulungan ka sa pakikipag-usap.
Kursong Pang-integrasyon
Hindi ka pa ba masyadong marunong magsalita ng German? Maaari kang kumuha ng kursong pang-integrasyon. Minsan ay kailangan mo talagang kumuha nito. Sa kursong ito ay mas matututo kang magsalita ng German at makakakuha ka rin ng mga importanteng impormasyon tungkol sa pamumuhay sa Germany. Ang immigration office (Ausländeramt) ang makakapagbibigay sa iyo ng sertipiko para sa pagkuha ng kursong ito at sila rin ang magsasabi kung saan mo ito pwedeng kunin. Ang mga karagdagang impormasyon ay mababasa mo sa seksyong Kursong Pang-integrasyon (Integrationskurs).
Paghahanap ng Trabaho at Pag-aaral
Ang susunod na hakbang ay ang paghahanap ng trabaho. Mayroon ka na bang propesyon na natutunan sa bansang iyong pinagmulan o may natapos na kang mataas na antas ng edukasyon? Kung gayon ay kinakailangan mong ipasalin ang iyong mga dokumento sa German at ikuha ang mga ito ng opisyal na pagkilala. Magtanong sa ahensiya ng trabaho (Arbeitsagentur) kung saan mo ito pwedeng ipagawa. Ang ahensiya ring ito ang tutulong sa iyo sa paghahanap ng trabaho (Arbeitssuche). Kung ikaw naman ay wala pang natapos na propesyon o pinag-aralan, puntahan at sumangguni ka sa ahensiya ng trabaho (Arbeitsagentur) upang mabigyan ka ng payo tungkol sa mga propesyon na gusto mo o maaari mong gawin (Berufsberatung). Ang ahensiya ng trabaho (Arbeitsagentur) ay nagbibigay din ng mga impormasyon sa mga vocational training (Ausbildungen) at iba pang mga kurso akademiko na maaari mong kunin. Ang mga karagdagang impormasyon dito ay makikita sa seksyong Mataas na Antas na Edukasyon at vocational training (Studium und Berufsausbildung).
Mga Bata at Paaralan
Ang mga bata mula anim na taon ay kailangang pumasok sa paaralan. Ipa-rehistro mo ang iyong anak sa isang paaralan. Maaari kang matulungan ng Child and Youth Welfare Office (Jugendamt) ng iyong lungsod tungkol dito. Ang mga karagdagang impormasyon tungkol dito ay maaaring mabasa sa seksyong Maagang Pagsuporta at Sistema ng Paaralan (Frühe Förderung und Schulsystem).
Mga Insurance
Ang ilan sa mga insurance (Versicherungen) ay napakahalaga, lalong-lalo na ang health insurance (Krankenversicherung), pension insurance (Rentenversicherung) at nursing care insurance (Pflegeversicherung) (basahin „Mga Insurance“). Kung ikaw ay may trabaho, automatik mong matatanggap ang mga insurance na ito. Basahin mo ang bahaging „Pagtanggap ng Trabaho“ (Arbeitsaufnahme). Kakailanganin mo rin ng isang current account sa isang bangko para ditto. Basahin mo: „Bank Account at Pananalapi“ (Bankkonto und Finanzen) para sa karagdagang kaalaman.
Mga Importanteng Address
Naghahanap ka ba ng institusyon na nagbibigay ng mga kursong pang-integrasyon o ng immigration office? Sa seksyong Mga Importanteng Address (Wichtige Adressen) ay maaari mong hanapin ang mga address ng mga tanggapan na ito na malapit sa iyong tirahan. Ang mga resultang impormasyon tulad ng address o numero ng telepono ay makikita mo sa isang card.
Video International Sign
Mga Kadalasang Katanungan
Mga karagdagang katanungan? Sumulat sa amin sa pamamagitan ng contact form. Ipapasa namin ang iyong mga katanungan nang hindi nagpapakilala sa mga tagapayo ng youth migration services.
Contact form